Home HOME BANNER STORY Bato, isa pang senador tinukoy ng ICC bilang co-perpetrator ni FPRRD

Bato, isa pang senador tinukoy ng ICC bilang co-perpetrator ni FPRRD

177
0

THE HAGUE — Pinangalanan ng International Criminal Court (ICC) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa at iba pang matataas na opisyal bilang umano’y “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng imbestigasyon sa drug war killings.

Sa inilabas na Document Containing the Charges (DCC), sinabi ng Prosecution na kabilang sa “common plan” na i-“neutralize” ang mga hinihinalang kriminal sa pamamagitan ng mararahas na krimen gaya ng pagpatay sina Dela Rosa, Senador Bong Go, Vicente Danao, Camilo Cascolan, Oscar Albayalde, Dante Gierran, Isidro Lapeña, at dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, bukod pa sa iba pang miyembro ng PNP at matataas na opisyal.

Ayon sa DCC, ibinabahagi umano ng grupo ang isang plano mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019 upang targetin ang mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga.

Tatlong bilang ng crimes against humanity ang isinampa laban kay Duterte: (1) mga pagpatay sa Davao City noong siya’y alkalde; (2) pagpatay sa tinaguriang “high-value targets” noong siya’y pangulo; at (3) mga pagpatay at tangkang pagpatay sa barangay clearance operations.

Nakasaad sa dokumento na si Duterte ay maaaring managot bilang indirect co-perpetrator, at/o dahil sa pag-uutos, pag-udyok, o pagtulong sa umano’y mga krimen.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni ICC Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti na hindi na sila nagulat sa listahan ng mga pinangalanan.

“Inaasahan namin ito…,” ani Conti, sabay sabing wala pa silang impormasyon kung may nailabas nang warrant of arrest laban sa iba pang tinukoy sa dokumento.

Nilagdaan ang DCC ni Deputy Prosecutor Mame Mandiayae Niang.

Nasa ICC Detention Center sa The Hague si Duterte.

Wala pang tugon ang kampo nina Dela Rosa, Go, Lapeña, Albayalde, Danao at Aguirre kaugnay nito.

Pumanaw naman si Cascolan noong Nobyembre 24, 2023. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here