Ito ang payo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kay Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy, at sumuko na sa mga awtoridad.
“Wala naman tayong ma-advice [kung hindi] harapin nya kung kinahaharap nyang kaso and let the wheels of justice roll. Mayroon tayong hustisya. Sana harapin niya para matapos na ‘yung gulo na yan,” ani dela Rosa sa isang panayam.
Ayon sa senador, hindi pa niya nakausap si Quiboloy ngunit nagbabala ito na hindi niya maaaring takasan ang batas lalo na’t mayroon din itong active warrant.
“He has no choice… Harapin nya yan. Nandiyan yan, nakafile na kaso na yan. Otherwise, kung ayaw nya harapin, magtago sya ng pinaka-secure lugar na di siya makita. You cannot evade the long arm of the law. Hahanapin ka talaga, lalo na may standing warrant of arrest,” sinabi ni Dela Rosa.
Itinanggi rin ng senador ang haka-haka na posibleng itinatago ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang wanted na pastor.
“You cannot expect pagkakanlong coming from a former president, a lawyer at that, and dating fiscal. Alam nya yan na violation of law yan. ‘Wag na gawan gawan ng storya kinakanlong ni Pangulong Duterte [dahil] alam ni Pangulong Duterte ang batas [at] di yan mangyayari,” pahayag ni Dela Rosa.
Pinayuhan niya ang sinuman na kumakanlong kay Quiboloy na isuko na ito dahil labag ito sa batas ng Pilipinas.
“Gawin nila nararapat sa batas. Yung sa warrant, chargeable talaga yan sa mga taong nagkakanlong sa kanya. ’Yung sa Senado, titingnan natin yan ano magiging action ng OSAA kung makita nila may ganong ginagawa yung ibang tao. Tingnan natin kung kailangan na magfile ng ganong kaso,” ani dela Rosa.
Noong Miyerkules, Abril 3, ay naglabas ang Davao Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at lima iba pang akusado.
Nahaharap si Quiboloy sa reklamong child abuse, sexual abuse, at bigong pagharap sa mga pagdinig ng Senado.
Mayroon din siyang aktibong warrants of arrest mula sa Davao court, Senado at sa California. RNT/JGC