MANILA, Philippines- Binabraso nina dating Senador Antonio Trillanes at House Speaker Martin Romualdez ang ilang retirado at aktibong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na tumestigo laban sa kanya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sinabi ni Dela Rosa na kasama nina Trillanes at Romualdez si National Intelligence Coordinating Agencty Director General Ricardo De Leon na nakipag-usap sa hindi binanggit na opisyal ng pulisya na pawang iniimbestigahan ng ICC.
“I have an “A-1 information” that Trillanes and De Leon in the presence of Speaker Martin Romualdez and Ako Bicol Rep. Zaldy Co asked the former police officials to execute affidavits to implicate me and former President Rodrigo Duterte,” ayon kay Dela Rosa.
Hawak ni Co ang House Committee on Appropriations bilang chairman.
“I have a very, very reliable information, an A1 information na ‘yung mga opisyal na ‘yan ay kinausap. Ang nagdala sa kanila ay si General Dick de Leon, ang director general ng NICA kasama si Trillanes at andun sa kanilang pag-uusap, andun si Speaker Martin Romualdez at si Appro Chair ng Lower House na si Cong. Zaldy Co,” giit ni Dela Rosa.
Naunang tinukoy ni Trillanes sina Dela Rosa at apat na dati at aktibong opisyal ng PNP na itinuturing na suspek sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Bukod kay Dela Rosa, sangkot din sa iniimbestigahan ng ICC sina:
dating PNP chief Oscar Albayalde,
National Police Commission commissioner Edilberto Leonardo
Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., and
Police Brig. Gen. Eleazar Mata