MANILA, Philippines – Binatikos ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang paliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpayag sa pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na tinawag niyang “mahina at mababaw na dahilan.”
“That’s a very flimsy alibi for me. That only goes to show na talagang sila ay interesado na i-commit si [former president] Duterte doon sa ICC,” anang senador.
“As a President, you can reject outright… ‘At this time ‘di namin kayo pagbigyan kasi we do not recognize the jurisdiction of ICC sa aming bansa.’ Maintindihan naman ‘yan ng Interpol e pero mas interesado pa sila na i-turnover agad,” dagdag niya.
Ayon pa kay Dela Rosa, may kapangyarihan si Marcos na tanggihan ang pakikipagtulungan sa Interpol dahil hindi kinikilala ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC.
Ipinunto rin ni Dela Rosa na hindi man lang iniharap si Duterte sa lokal na korte bago dalhin sa The Hague, na aniya’y nagpapakita ng sobrang pagmamadali ng gobyerno na ipasa siya sa ICC.
Inakusahan niya ang administrasyong Marcos bilang mapang-api at sinabing pakiramdam niya ay “pinagtaksilan.”
“Very vivid pa sa aking memory when he told me, nung nag usap kami sa Malacañang, na never siyang magcooperate sa ICC. Talagang sinabi niya sa akin, ‘Hinding hindi ako magko-cooperate sa ICC.’ sinabi niya sa akin noon, ‘Wag kang mag alala, hinding-hindi ako mag-cooperate sa ICC dahil after ninyo, who’s next? Baka kami na naman.’ Yan ang sabi niya sa akin,” ani Dela Rosa.
Ayon sa kanya, nangako si Marcos sa isang pag-uusap sa Malacañang na hindi kailanman makikipagtulungan sa ICC, dahil baka ang sariling pamilya ng Pangulo ang kasunod na target.
Umalis ang eroplanong sinasakyan ni Duterte mula Pilipinas noong Martes ng gabi at dumaan sa Dubai para sa layover bago tumuloy sa The Hague. RNT