Home NATIONWIDE Hirit na hospital arrest ni Quiboloy tinabla ng korte

Hirit na hospital arrest ni Quiboloy tinabla ng korte

(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Pasig court ang hiling ni Apollo Quiboloy, isang televangelist at kandidato sa pagkasenador, na mailagay sa house arrest dahil wala umanong matibay na dahilan para dito.

Sa utos ng Pasig RTC Branch 159 noong Marso 12, sinabi ng korte na hindi sapat ang pangamba tungkol sa posibleng paglala ng kanyang kalusugan habang nakakulong, lalo’t may sapat na serbisyong medikal sa BJMP.

Hiniling ni Quiboloy na mailagay sa house arrest sa Garden of Eden Resort sa Davao City, KOJC Compound, o Tagaytay City dahil sa umano’y medikal at makataong dahilan.

Ngunit itinuring ng korte na walang batayan ito sa Rules of Criminal Procedure o sa Konstitusyon.

Tinanggihan din ng korte ang mosyon ni Quiboloy na alisin ang mga pribadong abogado ng nagrereklamo sa kaso, dahil wala rin itong legal na batayan.

Ikinatuwa ni Prosecutor Joahna Paula Domingo ang desisyon ng korte, iginiit niyang hindi dapat gumastos ang gobyerno para sa house arrest ng isang pugante nang walang sapat na dahilan. Binanggit din niyang malusog si Quiboloy para tumakbo sa halalan.

Nahaharap si Quiboloy sa kasong non-bailable na human trafficking at iba pang kaso kaugnay ng paglabag sa RA 7610 para sa proteksyon ng mga bata. Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Marso 21, 2025. RNT