
LABANANG ligal ang nagaganap sa kaso ni ex-President Rodrigo ‘Digong’ Duterte na ngayo’y nasa The Hague, The Netherlands na para litisin ng International Criminal Court sa kasong umano’y paggawa ng “crime against humanity.”
Kamakalawa, naghain sa Supreme Court ang kampo ng Pangulo ng petisyon para sa temporary restraining order at prohibition para mapigilian ang pagpapalipad kay Digong mula sa Villamor Air Base.
Nakaalis ang eroplano nang walang anomang tugon ang SC.
Kahapon naman, nagsampa ang mga anak ni Digong na sina Kitty at Baste Duterte ng petisyon para sa habeas corpus para pagpaliwanagin ang gobyerno kung bakit dinetine si Digong at kakambal nito ang pagnanais na ibalik siya sa Pilipinas.
Kung ano ang mangyayari sa mga petisyong ito, nasa kamay na ng Supreme Court ang lahat ng kasagutan.
LIGAL O TAMA O MALI O ILIGAL
Nagsasagutan ang magkabilang kampo kung mali ba o ligal ang pag-aresto at pagpapaalis kay Digong.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagsasabi na ligal at tama ang ginawa ng gobyerno na arestuhin at paliparin si Digong palabas ng bansa.
Paliwanag nito, pagtugon umano pangunahin sa kahilingan ng International Police na aksyunan si Digong lalo’t nakatulong nang malaki ang Interpol sa paghuli kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at kay Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. in Dili, East Timor na inakusahang utak sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam iba pa noong March 2023 at tatlong iba pa noong 2019.
Wala umanong kinalaman ang aksyon sa ICC.
Sinasabi naman ni dating presidential legal counsel Salavador Panelo na mali ang pagkakaaresto kay Digong dahil walang hurisdiksyon ang ICC sa dating Pangulo.
At dahil sa kawalan ng hurisdiksyon, wala ring bisa ang anomang aksyon ng ICC laban sa dating Pangulo, kaya nararapat umano ang petisyong habeas corpus.
Sinasabi naman ni Vice President Sara Duterte na isang uri ng state kidnapping ang ginawa ng administrasyon, lalo’t takot umano si Pang. Bongbong na matalo ang mga kandidato nito sa darating na halalan ng mga kandidato ng PDP-Laban na inilalakad ni Digong.
Hintayin na lang natin, mga Bro, ang desisyon ng Korte Suprema.
Hindi natin masasabi na “moot and academic” o mali ang mga kasong inihain ng mga kampo ni Digong hangga’t hindi ang Supreme Court mismo ang magsasabi nito.
HIGIT SA LIGAL NA USAPIN
Isa siguro sa maaapektuhan nang husto ang darating na halalang Mayo 12, 2025 na higit na usaping pampulitika kaysa ligal.
Maaaring magbunga ang pangyayari ng pagbabago o paniniwala ang higit na nakararami na papabor o kokontra sa magkabilang panig.
‘Yun bang === para o kontra sa mga kandidato ni Pang. Bongbong o si ex-Pres. Digong.
Pangunahin sa mga usapin dito ang magiging papel ng mga bagong senador at kongresman sa pamamahala sa gobyerno, lalo na sa laban sa korapsyon at pagsisilbi sa bayan at hindi ang pansariling interes.
Hindi pa pinag-uusapan ang posibleng kaguluhan dahil sa pangyayari.
Saan nga tayo pupunta o hahantong?