Home NATIONWIDE Pangangailangan sa ROTC lalong lumutang sa lindol sa M’danao – Padilla

Pangangailangan sa ROTC lalong lumutang sa lindol sa M’danao – Padilla

3
0

MANILA, Philippines — Muling isinulong ni Sen. Robinhood Padilla ang pagpasa ng Senate Bill No. 617 o ang panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act, kasunod ng tumamang 7.8-magnitude na lindol sa Mindanao na aniya’y nagpapakita ng pangangailangang palakasin ang kakayahan ng bansa sa pagtugon sa kalamidad.

Ayon kay Padilla, na kasalukuyang nasa Sarangani Province upang tumulong sa relief at humanitarian operations, layunin ng panukala na makabuo ng mga disiplinado, makabayan, at handang mamamayan na maaaring tumugon sa mga banta sa seguridad at mga sakuna.

“Ngayong Araw ng Kalayaan, binibigyang-pugay natin ang sakripisyo ng ating mga bayani sa pamamagitan ng patuloy na pagtatayo ng isang bansang matatag, nagkakaisa, at handang humarap sa anumang pagsubok,” ani Padilla.

“Ang nangyaring lindol sa Mindanao ay paalala na ang pagmamahal sa bayan ay hindi lamang ipinapakita sa pagtatanggol ng ating soberanya kundi pati sa pagtulong sa ating mga kababayan sa oras ng sakuna at pangangailangan,” dagdag niya.

Sinabi ng senador na bukod sa mga tradisyunal na usapin sa seguridad, lantad din ang bansa sa mga lindol, bagyo, pagbaha, at pagputok ng bulkan kaya mahalagang mapalakas ang kahandaan sa sakuna.

“Ang trahedyang nangyari sa General Santos at mga karatig-lugar ay nagpapaalala sa atin na ang seguridad ng bansa ay hindi lamang tungkol sa mga banta mula sa labas. Kapag dumating ang kalamidad, kailangan natin ng mga mamamayang disiplinado, organisado, at may sapat na pagsasanay upang makatulong sa paglikas, pagbibigay ng paunang lunas, search and rescue, at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan,” aniya.

Sa ilalim ng SB No. 617, palalakasin at isasapormal ang ROTC program sa mga Higher Education Institutions (HEIs) at Technical-Vocational Institutions (TVIs), kabilang ang pagsasanay sa disaster preparedness, search and rescue, relief operations, survival skills, at emergency response.

“Sa panahon ng sakuna, bawat minuto ay mahalaga. Bawat taong may sapat na kaalaman sa first aid, search and rescue, disaster response, at pagpapanatili ng kaayusan ay maaaring maging dahilan upang may isang buhay na mailigtas. Kaya para sa akin, ang ROTC Act ay hindi lamang usapin ng pambansang depensa. Isa itong batas para sa paghuhubog ng mamamayan at pagliligtas ng buhay,” sabi ni Padilla. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here