Home NATIONWIDE Bato pumalag sa ‘pinabili ng suka’ remarks ni PBBM

Bato pumalag sa ‘pinabili ng suka’ remarks ni PBBM

MANILA, Philippines – Matinding binatikos ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang paratang ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pinabili lamang sila ng suka at tumakbong senador na dahil hindi nararapat at di inaasahan mula sa chief executive.

Ganito ang reaksiyon ni Dela rosa sa remarks ni Marcos sa ginanap na proclamation rally ng administration ticket na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, na tinatarget ang kandidato ng Duterte-backed Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban).

“Uncalled for, unexpected coming from a President. Hindi namin inaasahan na gan’un. Pero sige lang, tanggap namin ‘yan na this is political season. We expect political bashing and political everything,” ayon sa senador sa proclamation rally ng PDP Laban sa San Juan City.

Nitong Martes, sinabi ni Marcos na wala sa kandidato ng Alyansa ang sangkot sa extra-judicial killing sa war on drugs, korapsiyonsa pandemia at pagyuko sa China. Tinukoy din ng Pangulo ang pekeng propeta na nangaabuso ng kababaihan at gumagahasa ng kabataan.

Sumasailalim sa imbestigasyon ang ilang dating opisyal ng Duterte administration kabilang si Dela Rosa ng International Criminal Court hinggil sa malawakang pagpatay ng petty drug pushers at user na pinanguhanan nito bilang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Bahagi ang Oplan Tokhang ng Oplan Double Barrel sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte na umabot sa mahigit 30,000 ang napatay kabilang ang inosenteng sibilyan at menor de edad tulad ni Kian Delos Santos, 17 anyos.

“‘Yung tokhang, alam niyo, okay lang kung iba-brand niyo ako na may bahid ng dugo ang kamay kung ang dugo na ‘yun ay dugo ng masasamang tao at nagkabahid ng dugo ang aking kamay. Dahil sa aking pagpo-protekta sa buhay ng matitino, mababait, at matulungin sa batas,” ayon kay Dela Rosa.

“Wala akong problema. Itaga niyo sa bato, wala akong ka-kimi kiming madumihan ang aking kamay [ng] dugo kapag kinakailangang protektahan ang buhay ng matitino,,” dagdag niya.

Kasabay nito, pinabulaanan din ni Dela Rosa na pawang pro-China siya kaya’t hinamon nito ang sinuman na magtungo sa West Philippine Sea at labanan ang Chinese Coast Guard na nanggigipit ng Filipinong mangingisda at military sa lugar.

Nakahanda din siyang mamatay upang ipagtanggol ang bayan laban sa China.

“Ako, prangkahin ko kayo. Willing ako magpakamatay sa West Philippine Sea kung sasabihin nila na pro-China ako. Willing ako makipaggiyera diyan sa West Philippine Sea,” aniya.

“Pro-China? Hinahamon ko sila. Kung gusto nila ay bibigyan ko sila ng baril at bala atakehin natin ‘yang mga nambu-bully sa West Philippine Sea,” dagdag ng senador.

Sa panahon ng Duterte administration, kinikilingan nito ang China at pinalakas ang pakikipag-kaibigan sa Beijing. Ernie Reyes