Home HOME BANNER STORY Bato sa ‘reconciliation call’ ni PBBM: Magpakita ng sinseridad

Bato sa ‘reconciliation call’ ni PBBM: Magpakita ng sinseridad

MANILA, Philippines- Hindi lubos na nagtitiwala si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na reconciliation, hangga’t hindi nagpapakita ng sinseridad sa bahagi ng chief executive.

Bagama’t welcome sa kanya, sinabi ni Dela Rosa na lubha itong nadala sa mga naunang pahayag bago mag-halalan na hindi tutugon sa aksyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa pag-aresto sa lahat ng sangkot sa madugong war on drugs.

“Magandang simulain ‘yan. Sino ba naman ang may gusto ng away, lahat naman tayo gusto katahimikan pero ‘yun nga lang, kung sinsero sila sa kanilang sinasabi,” ani Dela Rosa sa interview.

“Sa lalim ng sugat na in-inflict nila sa amin, I think kailangan talaga ng extreme sincerity. Hindi ‘yung pahapyaw,” dagdag niya.

Tila hindi naniniwala si Dela Rosa sa sinseridad ni Marcos dahil may karanasan umano sila sa administrasyon na hindi tinupad ang sinasabing pangako: “I don’t know dahil may experience na ako sa kanya na ibang sinabi, ibang ginawa. So, mahirap akong makapagsabi kung sincere siya o hindi.”

Sinabi naman ni outgoing Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na pinakamahusay na “attitude” ni Marcos ang pagbukas ng pintuan sa reconciliation.

“Whether others will also change their attitude is already beyond the control of the President,” aniya.

Pero, dapat umanong ipatupad ang rule of law partikular ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Inalala ni Dela Rosa, nagsilbing PNP chief sa panahon ng Duterte administration at chief implementer ng war on drugs na ikinamatay ng mahigit libo-libong indibidwal, ang pagpapaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte alinsunod sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng International Criminal Court (ICC).

Nakakulong ngayon si Rodrigo Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague sa kasong crimes against humanity for the extrajudicial killings sa panahon ng drug war.

Pinuri naman ni Senator JV Ejercito ang huling pangyayari na maging positibo upang makatulong sa mamamayan na sumulong kung magkakaisa.

“Sa mga lumalabas na pahayag at mga balita, mukhang malalim na ang alitan at hidwaan. Pero kahit parang malabo at mahirap sa ngayon, umaasa pa rin tayo, at praying, na magkakaroon ng positive development,” aniya. Ernie Reyes