Home NATIONWIDE Bato tutol sa plebisito sa Cha-cha

Bato tutol sa plebisito sa Cha-cha

MANILA, Philippines – Inirekomenda ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na bitiwan na ang plano para sa plebisito matapos na lumitaw sa survey ng Pulse Asia na 88% ng mga Filipino ang tutol sa Charter change.

Sa panayam sa radyo nitong Sabado, Abril 6, sinabi ni Dela Rosa na sayang sa oras at pera kung magdaraos ng plebisito kung mayroon itong negatibong pagtingin sa resulta.

“Kahit na pro-economic Cha-cha ako, kung masiguro natin talaga na di papasa sa plebisita sa taumbayan, then why spend that much money [na] masasayang lang [at] mapupunta lang din sa wala?” tanong niya.

“Theres a possibility kung patuloy ang hearing mamaya, aakyat yung confidence ng tao magbasa nung kanilang stand dahil narinig nila sa mga pagdinig, sa mga hearings ang mga pros and cons. Baka posible pang magbago stand nila at yung general sentiment mag-swing towards favoring that,” sinabi pa ni dela Rosa.

“I’m not that hopeful pero pinagusapan lang natin dito yung tsansa, baka lang. Pero kung ganon talaga manatiling ganon stand ng taumbayan na ayaw nila, that would be an exercise in futility kung itutuloy natin at gagastos lang tayo ng ganong kalaking pera eh sayang naman.”

Sang-ayon si Bato sa suhestyon ng minority leader na si Senador Pimentel na iurong na lamang ang plebisito sa 2025.

Patungkol sa pagpapalit ng political provisions ng Konstitusyon, naniniwala si Dela Rosa na lalo lamang nitong sisirain ang tiwala ng mga Filipino.

“Ako lang, kung i-full blast natin na Cha-cha, ma-maintain lang natin yung voting separately talaga. Meaning to say yung boses ng Senado, hindi mawawala… Kung di natin maayos, kahit economic Cha-cha, di ako papayag kung di magkakaroon ng voting separately,” anang senador. RNT/JGC