
TOTOONG ang kalusugan ay kayamanan. Napatunayan iyan ng inyong Pakurot nitong nakaraang linggo nang naospital dahil sa iba’t ibang nararamdaman sa katawan. (Iba na talaga ang tumatanda este nagkakaedad – Ed)
Noon pa man ay may mga nararamdaman na sa katawan lamang ay hindi iniinda dahil nga takot sa gastos sa pagpapagamot. Pero ang aking Habibi ay ilang beses sinasabi sa akin na kailangan ko magpa-check-up.
Nang mamatay ang aking Kumareng Sheila Crisostomo (condolences to the family), reporter ng Philippine Star, ay pumasok kaagad sa isip ko ang pagpapatingin sa doktor dahil ayaw kong maiwan nang maaga ang aking mga anak at mga apo.
Maganda ang serbisyong ibinigay ng pagamutan. Kung kayang dalhin sa kwarto ang machine na gagamitin, ginagawa nila at kung kailangan naman sa mismong radiology room ay ibaba ka ng buong ingat.
Kaya lang, nang matapos ang lahat ng proseso ay tila hihimatayin ako sa halaga ng babayaran bagaman nabawas na ang PhilHealth. Maswerteng may health insurance ang lola nyo na nakabawas din sa bayarin. Paano na lang kung wala? Malamang inatake na sa puso sa laki ng bayarin.
Bukod pa sa napakamahal na resetang gamot.
Kaya tama ang sinasabi ng marami na “Health is Wealth.” Kayamanan talaga ang kalusugan kaya kailangang ingatan.
Sobrang mahal sa panahon ngayon ng singil ng pribadong ospital at maging ng mga doktor. Sa pampublikong pagamutan naman ay kailangang pumila at maghintay hanggang kaya sapagkat hindi kaagad maasikaso bagaman inaayos ang serbisyo.
Siyempre libre naman kasi. Pero kailangan pa ring pumila para sa awa at tulong ng Department of Social Welfare and Development. Kailangan ang indigency at gagawan ng assessment.
Sabi ng ibang mahihirap, mabuti na lang at mayroong “Malasakit Center” na nag-aasikaso at nalalapitan lamang kailangan talaga ng tiyaga. Hindi lang mahirap magkasakit sa panahon ngayon. Mas mahirap maging mahirap sa panahon ngayon.
Kaya naman, ingatan natin ang ating kalusugan dahil nagsisilbing yaman natin iyan. Kumain ng tama, matulog ng sapat, alisin ang bisyo at uminom ng maraming tubig palagi. Maswerte ang malulusog sapagkat wala silang inaalalang bayarin sa ospital at gamot.