Home HOME BANNER STORY Bawas-presyo sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

Bawas-presyo sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

MANILA, Philippines- Magandang balita sa mga motorista, muling magpapatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz, Caltex (CPI) at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng bawas presyo na P1.70 sa kada litro ng gasolina, P0.90 sa kada litro ng diesel at P1.80 naman sa kada litro ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May bawas-presyo rin sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang CleanFuel na magiging epektibo bukas ng alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na rollback sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng oil price rollback ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.90 sa kada litro ng gasolina, P0.80 sa kada litro ng diesel at P1.40 naman sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes