MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) ang muling pagdakip sa puganteng South Korean na si Na Ikhyeon, na nahuli limang araw lamang matapos ang kanyang pagtakas noong Marso 4.
Nabatid sa BI na nadakip si Na sa pamamagitan ng magkasanib na pwersa ng Fugitive Search Unit at Intelligence Division ng BI, sa pakikipag-ugnayan sa City Intelligence Unit, Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit PRO 3, PNP-Intelligence Group, at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon.
Nabatid na natagpuan ang puganteng dayuhan na nagtatago sa isang residential area sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.
Ayon sa BI, maging ang kasabwat nito na si Kang Changbeom ay inaresto makaraang lumabas sa imbestigasyon na tinulungan niyang makatakas si Na kung saan suportado ito ng CCTV footage at iba pang impormasyon sa paniktik na nakalap ng mga awtoridad. Sa karagdagang pag-verify sa Korean National Police Agency ay nagkumpirma na si Kang ay isa ring wanted na takas sa South Korea para sa pandaraya.
Ang dalawang pugante ay ililipat sa BI detention facility sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
“Given their escape attempt, special arrangements will be made to ensure heightened security, as they are now tagged as high-risk detainees with intent to escape,” giit ng BI.
Kaugnay nito, dalawang kontraktwal na empleyado ng BI ang agad na tinanggal kasunod ng insidente, habang ang kaso ng permanenteng empleyado ay dinala sa Department of Justice (DOJ). Noong Biyernes, inilabas ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang termination sa ikatlong empleyadong sangkot sa pagtakas. JR Reyes