MANILA, Philippines- Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) nitong Linggo na sinisilip nito ang deportasyon ng mahigit 1,000 Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na nasa ilalim ng kanilang kustodiya.
Sa isang panayam, sinabi ni executive director Gilbert Cruz na kasalukuyang nakaditine ang POGO workers na ito sa PAOCC temporary detention facility sa Pasay City.
Ilan sa POGO workers na ito ay sumasailalim sa dialysis at ginagamot sa sakit na HIV, dagdag ni Cruz.
Ani Cruz, sinisilip ng PAOCC ang deportasyon ng mga dayuhang ito sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.
“Titingnan natin kung kakayanin ng two to three weeks. Kasi sa dami niyan, isa-isa kailangan lagyan ng dokyumento kasi usually karamihan wala nang passport,” wika ni Cruz.
Dagdag niya, nakikipag-ugnayan na sa mga kaukulang embahada hinggil sa mga kaso ng deportees na walang passports upang maisyuhan sila ng one-time travel document. RNT/SA