Home NATIONWIDE Bawat bata tutulungang makahanap ng permanente, mapagmahal na pamilya – Gatchalian

Bawat bata tutulungang makahanap ng permanente, mapagmahal na pamilya – Gatchalian

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, bilang kasalukuyang tagapangulo ng ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC) Council, ang pangangailangang tulungan ang mga batang nahiwalay sa kanilang mga pamilya dahil sa iba’t ibang dahilan na makahanap ng permanente at mapagmahal na pamilya, hangga’t ligtas at posible ito.

“Hindi na lamang simpleng pagbibigay ng pangangalaga sa mga institusyon ang aming layunin. Ang aming layunin ay tulungan ang bawat bata na makahanap ng permanente at mapagmahal na pamilya hangga’t ligtas at posible ito,” pahayag ni Secretary Gatchalian sa kanyang pangunahing talumpati sa ASEAN High-Level Forum on Child Care Reforms noong Huwebes (Setyembre 24) sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Sinabi ng tagapangulo ng ASCC na patuloy na pinalalakas ng Pilipinas ang sistema nito para sa kapakanan ng mga bata upang mabigyan sila ng angkop na pangangalaga at permanenteng kaayusan sa pamilya.

Kaugnay nito sa pagpapatibay ng Republic Act No. 11642 o ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, sinabi ni Secretary Gatchalian na ang pag-aampon sa Pilipinas ay hindi na isang matagal na prosesong hudisyal.

“Sa pamamagitan ng paglipat ng proseso ng pag-aampon mula sa matagal na prosesong hudisyal patungo sa mas mahusay na sistemang administratibo, malaki ang nabawas natin sa mga pagkaantala, napalawak ang mga oportunidad para sa foster care, napalakas ang pagpaplano para sa permanenteng tahanan, at napabilis ang paglalabas ng mga kautusan para sa lokal na pag-aampon,” wika ni Secretary Gatchalian.

Samantala sinabi ng pinuno ng DSWD na natuklasan sa isang pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Better Care Network na pinakamahusay ang pag-unlad ng mga bata kapag sila ay lumalaki sa isang mapagmahal na pamilya.

“Sa kabilang banda, patuloy na ipinapakita ng mga pananaliksik na pinakamahusay ang pag-unlad ng mga bata kapag sila ay lumalaki sa isang mapagmahal na pamilya, na may kumpletong suporta kung saan makabubuo sila ng pangmatagalang ugnayan at mas matibay na koneksyong emosyonal,” ani Secretary Gatchalian.

Kaugnay nito naniniwala ang pinuno ng DSWD na bagaman pinoprotektahan at sinusuportahan ng mga pasilidad na residential care ang mga bata, ang pagpapanatili sa mga ganitong pasilidad ay nagdudulot din ng mga hamon sa pangmatagalang sustainability o kakayahang mapanatili ang operasyon.

“Ang gastos sa pangangalaga at pagpapanatili ng mga ganitong establisimyento ay nagdudulot din ng mga hamon sa sustainability sa katagalan.” “Sa karanasan mismo ng Pilipinas, nasa Php400 hanggang P450 ang ginagastos araw-araw para sa isang bata, kung saan naglaan ng average na P2.6 bilyon sa nakalipas na limang taon para sa mga sentro at residential care facility ng Kagawaran,” pahayag ni Secretary Gatchalian.

Sa antas ng ASEAN, nanawagan ang ASCC chair para sa mas matibay na pagtutulungan ng mga bansang kasapi upang mas maprotektahan ang mga bata at matiyak na sila ay lalaki sa isang pamilya at komunidad na nag-aaruga. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here