Home METRO Bayanihan ng mga kabataan inilunsad sa Maynila

Bayanihan ng mga kabataan inilunsad sa Maynila

139
0

NASA mahigit 100 lider ng mga kabataan sa bansa ang nagkapit-bisig para makiisa sa inilunsad na “Bayanihan Para sa Karangalan at Kaunlaran ng mga Pilipino” na may layuning hikayatin ang kanilang hanay na magsilbing modelo sa lahat tungo sa pag-unlad ng Pilipinas.

Nabatid na nasa 132 youth leader ang opisyal na lumagda, kasama ang 132 pang local political organizer, bilang mga miyembro ng Bayanihan kasabay sa paggunita ng ika-132 anibersaryo ng pagkakatatag ng Katipunan noong 1896 sa Rizal Shrine sa Luneta noong Miyerkules.

Ayon kay Bayanihan Chairman Elmer Argaño, nagmula sa 18 rehiyon sa bansa at 96 distrito sa Metro Manila ang mga lumahok na youth leader. Aniya, bahagi ng misyon ng Bayanihan ang palaganapin ang mga turo ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal at isadiwa ang adhikain ng Katipunan ng pagiging makabayan.

“Sa gitna ng maraming usaping kinakaharap ng ating bansa ngayon, napapanahon si Gat Rizal, at ang diwa Katipunan. Pagsasabuhay sa Bayanihan ng mga kabataan sa pagharap natin sa mga usapin tulad ng West Philippine Sea, sa problema sa sistema ng edukasyon at kalusugan, kawalan ng trabaho at tila walang katapusang kahirapan,” giit ni Argaño.

Kinilala ni Argaño ang malaking potensyal at kapangyarihan ng mga kabataan na makaimpluwensya sa kinabukasan ng bansa bunsod na rin ng mataas na bilang ng mga batang mamamayan at modernong teknolohiya.

Samantala, naniniwala si Bayanihan President Jervy Maglunob na may kakayahan ang mga kabataan na makapagpabago ng lipunan sa pamamagitan ng kanilang boses sa iba’t-ibang isyu ng bansa na tiyak aniyang makararating sa kaalaman ng mga lider at opisyal ng pamahalaan. (RNT)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here