Home NATIONWIDE Bayaning sundalo nasawi sa pagsagip ng 2 paslit na nalulunod

Bayaning sundalo nasawi sa pagsagip ng 2 paslit na nalulunod

TACLOBAN CITY – Ginawaran ng bronze cross medal ang isang sundalo dahil sa pag-aalay ng buhay para mailigtas ang dalawang bata sa pagkalunod sa Barangay Locsoon, Borongan City, Eastern Samar.

Base sa ulat, ang biktimang si Technical Sgt. Samuel Garbo ay nagpapalipas ng oras kasama ang kanyang mga kaibigan sa isang beach resort noong Abril 8 nang marinig niya ang panawagan ng tulong sa mga batang nalulunod.

Sinagip niya at tinulak ang mga bata na may edad siyam at 13 patungo sa dalampasigan at napabalitang pagod na pagod dahil sa malakas na alon.

Narekober ng rescue team ang kanyang bangkay at idineklara itong patay sa ospital.

Nakatanggap ang kanyang pamilya ng P413,000 na tulong sa pamamagitan ng Special Financial Assistance (SFA) na ipinaabot ni Lt. Gen. Roy Galido, commanding general ng Philippine Army.

Nakatanggap din ang pamilya ni Garbo ng iba pang tulong mula sa iba pang institusyong pinansyal ng Army.

Sinabi ni Brig. Gen. Noel Vestuir, commander ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade, na pinarangalan si Garbo ng 21-gun salute bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan sa kanyang interment sa Giporolos, Eastern Samar noong Biyernes, Abril 19.

Tiniyak ni Lt. Col. Joseph Bugaoan, acting commanding officer ng 78th IB, sa naulilang pamilya na gagawin nila ang kanilang bahagi para tulungan silang makuha ang lahat ng kinakailangang benepisyo. Santi Celario