MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes ang isang metrong pag-angat ng baybaying lupa sa Barangay Nailon, Bogo City, Cebu.
Ayon sa Phivolcs, dulot ito ng paggalaw ng bagong tuklas na Bogo Bay Fault na nagpasimula ng magnitude 6.9 na lindol sa baybayin ng Cebu noong Setyembre 30. Batay ang sukat sa mga lumantad na tidal flats, umangat na tidal notches, at mas mataas na high-tide markers.
Ipinaliwanag ng ahensya na ang coastal uplift ay ang pagtaas ng lupa sa baybayin bunga ng paggalaw ng crust sa fault o subduction zone—maaari itong mangyari biglaan sa lindol o unti-unti sa paglipas ng panahon.
Pinayuhan ng Phivolcs ang publiko na maging handa sa mga posibleng malalakas na aftershock at iwasan ang mga istrukturang maaaring gumuho. Hanggang alas-11 ng umaga nitong Martes, 8,298 aftershock na may lakas mula magnitude 1 hanggang 5.1 ang naitala, kung saan 34 ang naramdaman at 1,556 ang natukoy ang lokasyon.
Muling pinaalalahanan ng Phivolcs ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal nitong website at social media accounts. Santi Celario