Manila, Philippines – Nanawagan ang Iglesia Ni Cristo (INC) na gawing bukas sa publiko ang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) at isagawa ito nang may ganap na transparency kaugnay ng malawakang katiwalian sa mga flood control project, upang hindi pagdudahan ng mamamayan ang magiging resulta nito.
Sa isang pahayag na nagmula sa Tagapamahalang Pangkalahatan ng Iglesia Ni Cristo, Kapatid na Eduardo V. Manalo, at binasa sa programang Saganang Mamamayan ng Net 25 ni INC Spokesperson Kapatid na Edwil Zabala, binigyang-diin na ang INC ay payapang nagmamasid sa mga nagaganap sa bansa, kalakip ang panalangin na mamayani ang kapayapaan at katarungan.
“Kailangang bukas at dapat masaksihan ng sambayanan ang mga pagdinig sa isinasagawang imbestigasyon. Naniniwala kami na para magkaroon ng kapayapaan, kailangang patuloy na imbestigahan ang malawakang katiwalian na iyon at isagawa ito nang may transparency at walang kinikilingan o pinagtatakpan. Isa itong kahayagan ng sinseridad ng mga kinauukulan,” ayon sa pahayag.
Binigyang-diin pa sa pahayag na hindi makatutulong kung ang imbestigasyon ng ICI ay hindi maisapubliko dahil maaari lamang itong magdulot ng mas malaking kaguluhan sa bansa anuman ang kalalabasan nito.
“Gayundin, hindi rin makatutulong ang imbestigasyon ng ICI kung palihim itong isasagawa. Anu’t anuman ang magiging resulta nito ay posibleng hindi maging katanggap-tanggap sa mga mamamayan at makadagdag lamang sa nagaganap na kaguluhan at kawalang katiyakan,” dagdag pa ni Bro. Zabala.
Sinabi rin sa pahayag na ang kasalukuyang sigalot sa politika ang ugat ng mga kaguluhan sa bansa.
“Ang mga pagtatalo-talo at pag-aalitan na ibinunga ng malaking iskandalo ng katiwalian sa libu-libong flood control project ng kasalukuyang administrasyon, at ang mga pag-aawayang pampulitika, ang dahilan ng mga kaguluhan ngayon sa ating bansa. Nakikita namin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan sa layuning alamin ang puno’t dulo ng mga napaulat na anomalya sa mga nasabing proyekto.”
Idinagdag pa sa pahayag:
“Bukod sa sinimulang mga pagdinig dito ng Kamara at Senado, itinatag din ang ICI. Tulad ng maraming Pilipino, naghihintay din kami hindi lamang sa magiging resulta nito na dapat ay totoo at mapagtitiwalaan, kundi pati kung paano ito maisasagawa nang walang pag-aalinlangan. Subalit, hindi ito magagawa kung ititigil na ang imbestigasyon ng Senado gaya ng napapabalitang gagawin ng liderato nito dahil sa hindi malinaw na dahilan.”
Suportado ng INC ang pagsusulong na mapanagot ang lahat ng sangkot at mabatid ang pinaka-ugat ng mga anomalya.
“Gaya ng nararapat, kailangang mapanagot ang pinaka-ugat ng pagnanakaw ng daan-daang bilyong piso sa kaban ng bayan sa panahon pa naman ng paghihirap ng mga mamamayan. Ito ay para mailapat ang katarungan at, harinawa, ay hindi na tularan pa ng iba,” giit pa ni Ka Zabala sa pahayag na kanyang binasa.