Home METRO Bebot na carnapping suspect nalambat sa entrapment ops

Bebot na carnapping suspect nalambat sa entrapment ops

MANILA, Philippines- Arestado sa ikinasang entrapment operation ng mga miyembro ng Parañaque City police ang isang 18 taong gulang na babaeng nagnakaw ng motorsiklo noong Linggo ng gabi, Enero 2.

Kinilala ni Parañaque City police chief P/Col. Melvin R. Montante ang inarestong suspek na si alyas Jihana, 18, residente ng Taguig City.

Sinabi ni Montante na nasakote si alyas Jihana sa ikinasang entrapment operation ng mga miyembro ng Marcelo Green police Sub-Station dakong alas-7:30 ng gabi sa kahabaan ng Contreras Street, Central Bicutan, Taguig City.

Ayon kay Montante, naunang naiulat sa Marcelo Green police Sub-Station ng hatinggabi nitong nakaraang Pebrero 1 ang pagnanakaw ng motorsiklo na nakaparada sa kahabaan ng Cervantes St., Brgy. Marcelo Green, Paranaque City.

Kinabukasan bago magtanghali ng Pebrero 2 ay nakita ng biktima na inaalok na ang kanyang ninakaw na motorsiklo sa Facebook Marketplace kung kaya’t agad siyang nagtungo sa Marcelo Green police Sub-Station at inimpormahan ang mga alagad ng batas na siya namang nagkasa ng entrapment operation.

Sa ikinasang operasyon na pinamunuan ni Marcelo Green police Sub-Station PCPT Heherson Zambale ay nadakip si alyas Jihana at pagkabawi sa ninakaw na motorsiklo ng biktima na isang kulay puting Yamaha Mio 125 motorcycle habang nakatakas naman ang dalawa pang kasabwat na suspek na sina alyas Carlo at isang alyas Jomar na nananatili pa ring nakalalaya.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Paranaque City police ang suspek na si alyas Jihana na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) at paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing Law). James I. Catapusan