Home METRO 9 spinner dolphins natagpuang patay sa NegOr

9 spinner dolphins natagpuang patay sa NegOr

NEGROS ORIENTAL- Hinihinalang matinding pagsabog ang sanhi ng pagkamatay ng siyam na spinner dolphins na natagpuan sa dalampasigan sa iba’t ibang lugar sa Negros Oriental.

Ayon kay Dr. Melanie Pescadilla, City Veterinarian ng Bais, Negros Oriental, posibleng dulot ng matinding pagsabog sa ilalim ng dagat ang sanhi ng pagkakaroon ng malalang sakit ng mga dolphin.

“Doon sa lesions po, meron na po siyang nangingitim na part, so assumption namin it could be matagal na, kumbaga chronic ‘yung na experience ng dolphin kaya siya nag-stranding kasi nga nanghihina siya,” ani Pescadilla.

“Isa siya sa mga dahilan, pero hindi natin alam kung is it really dynamite fishing or meron lang underwater activities. ‘Yung ear niya po ay nasa loob, hindi sa labas. Kahit po malayo ‘yung blasting, let’s say 150 meters, malaki na po ‘yung epekto,” dagdag pa nito.

Kwento ng mga residente, noong Enero 25, 2025, nakita nila ang 10 dolphin na lumalangoy sa baybaying dagat na sakop ng Barangay Luka, Tanjay hanggang sa mapadpad ang mga ito sa Barangay Canlargo, Bais City.

Kinabukasan, natagpuan na lamang ang tatlong dolphin na patay, sunod ay tatlo na naman ang nasawi noong Enero 27, 28, at 31.

Hanggang sa tatlo na namang dolphin ang natagpuang patay noong Pebrero 1, 2025 sa mga bakawan sa Barangay Manipis, Tanjay.

Isinailalim naman ng lokal na pamahalaan ng Bais ang mga labi ng dolphin sa necropsy. Mary Anne Sapico