Home METRO Bebot na HVI nasakote sa buy-bust  

Bebot na HVI nasakote sa buy-bust  

MANILA, Philippines- Nasabat ng mga pulis ang mahigit P5 milyong halaga ng shabu kasunod sa pagkakaaresto sa hinihinalang high-level na babaeng drug pusher at kasabwat nito sa isang buy-bust operation sa Caloocan City nitong Huwebes ng umaga.

Sinabi ni Police Brig. Gen. Anthony A. Aberin, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na nag-ugat ang operasyong isinagawa ng kanyang mga tauhan sa kumpirmadong intelligence report na pagkakasangkot ng suspek sa illegal drugs distribution sa Caloocan City at mga karatig-lugar.

Matapos makipagnegosasyon ng isa sa anti-narcotics agents ng NCRPO sa babaeng suspek para sa pagbili ng ilegal na droga, isinagawa ang buy-bust dakong alas-2:45 ng madaling araw nitong Huwebes sa Barangay 28.

Nasakote ang 31-anyos na suspek, residente ng Pasay City, matapos makumpleto ang transaksyon, kasama ang kanyang kasabwat.

Nasabat ang 750 gramo ng shabu, na may Standard Drug Price (SDP) na ₱5.1 milyon, kasama ang ₱1,000 genuine buy-bust money, ₱64,000 boodle money, at ₱1 milyong cash.

“This arrest pursuant to the relentless efforts of NCRPO in the fight against illegal drugs. We will continue to intensify our operations and ensure that these criminals, especially High-Value Individuals, are brought behind bars,” wika ni Aberin.

Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng Caloocan City Police Station ang mga suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) para sa referral sa Caloocan City Prosecutor’s Office. 

Iteturn-over naman ang nakumpiskang droga sa Northern Police District Forensic Unit para sa laboratory examination, base kay Aberin. RNT/SA