Home NATIONWIDE Tolentino namigay ng fiberglass boats sa mga mangingisda sa Cavite

Tolentino namigay ng fiberglass boats sa mga mangingisda sa Cavite

Pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis “TOL” Tolentino ang turnover ng motorized fiberglass boats sa mga asosasyon ng mangingisda sa Naic, Tanza, Rosario, at Cavite City sa lalawigan ng Cavite.

MANILA, Philippines- Bilang pagtupad sa kanyang pangako na tutulong sa komunidad ng pangingisda sa Cavite na nasalanta ng malawak na oil spill noong nakaraang taon, pinangunahan ni Senate Majority Leader Francis “TOL” Tolentino ang turn-over ng mga motorized fiberglass reinforced boat sa mga asosasyon ng mangingisda at kooperatiba sa ilang lokalidad sa lalawigan. 

“Sila ay nagsusumikap araw-araw upang magdala ng pagkain sa ating mga mesa, ngunit ang mga mangingisda ay kabilang sa mga pinaka-marginalized, at sila ay karapat-dapat na suportahan ng gobyerno,” sabi ni Tolentino matapos pangunahan ang turnover ng fiberglass boats bawat isa sa Naic, Tanza, Rosario, at Cavite City. 

Sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), ang pamamahagi ng fiberglass boat ay upang makatulong sa pag-angat ng kalagayang pang-ekonomiya ng mga komunidad ng mga mangingisda sa Cavite.

“Noong nakaraang taon, nang magkaroon ng napakalaking oil spill mula Bataan sa mga karatig probinsya, lalo na sa Cavite, nawala ang kanilang pinagkukunan ng kita dahil sa pagbabawal sa pangingisda at pagbebenta ng mga produktong dagat,” paggunita ng senador, bilang pagtukoy sa oil spill mula sa MT Terranova na lumubog malapit sa karagatan sa bayan ng Limay, Bataan noong Hulyo.

“Ngayon ay bumalik kami upang tuparin ang aming pangako na tulungan ang pamayanan ng pangingisda, at upang tumulong na mapabuti ang kanilang kabuhayan,” dagdag niya.

Kung maaalala, si Tolentino ang naghain ng Senate Resolution No. 1084, na nag-udyok sa Senado na imbestigahan ang epekto ng oil spill sa mga komunidad ng mangingisda at sa coastal ecosystem.

Noong Agosto, nakiisa si Tolentino kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagbibigay ng tulong pinansyal sa libu-libong mangingisda sa Cavite. Ang senador mismo ang nanguna sa relief operations para sa mga apektadong komunidad.

Pinangasiwaan din ni Tolentino ang pagbibigay ng tulong sa Sustainable Livelihood Program (SLP) sa mga organisasyon ng mangingisda sa Talisay, Batangas noong Pebrero 5, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DWSD). RNT