Home METRO Bebot na HVI timbog sa higit ₱30M shabu at cocaine sa Taguig

Bebot na HVI timbog sa higit ₱30M shabu at cocaine sa Taguig

MANILA, PhilippinesNalambat ang isang babaeng tinaguriang high value target (HVI) sa ikinasang buy-bust operation na pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) sa pakikipagtulungan ng District Intelligence Division (DID-SPD), District Mobile Force Battalion (DMFB-SPD), Sub-Station 2 ng Taguig City police, Philippine Drug Enforcement Agency Special District Office (PDEA SDO), at Southern District Highway Patrol Unit (DHPU) na nakuhanan ng mahigit ₱30-milyon halaga ng shabu at cocaine Sabado ng gabi, Oktubre 26.

Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Bernard Yang ang nadakip na suspect na si alyas Jhovel, 34, isang HVI.

Base sa report na natanggap ni Yang, naganap ang pag-aresto sa suspect dakong alas-9:45 ng gabi sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Sinabi ni Yang na sa ikinasang operasyon ay narekober sa posesyon ng suspect ang 4.5 kilos ng pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng ₱30,600,000, at 6.9 gramo ng hinihinala naming cocaine na may halagang ₱36,570.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis habang kasalukuyang namang nakapiit sa DDEU custodial facility ang suspect.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspect sa Taguig City Prosecutors Office.

“This operation highlights our commitment to maintaining safe, drug-free communities. The dedication and teamwork of our law enforcement units are crucial in dismantling illegal drug networks. We will continue these efforts to protect our neighborhoods from the threat of dangerous drugs,” ani pa ni Yang. James I. Catapusan