Home METRO Bebot na nagbitiw ng bomb joke arestado

Bebot na nagbitiw ng bomb joke arestado

MANILA, Philippines- Nasa kustodiya na ng pulisya ang isang babae na nagbiro na may dalang bomba habang nakapila sa passenger terminal building  sa Puerto Galera port.

Sinabi ni Philippine Ports Authority (PPA) spokesperson Eunice Samonte na ilegal ang pagbibiro ng tungkol sa bomba.

Ayon kay Samonte, nagbiro ang pasaherong babae pagpasok ng pantalan na may dala siyang bomba habang nakapila siya sa X-ray machine kaya siya ay inaresto ng pulis.

Siya ay kinasuhan alinsunod sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, ayon pa kay Samonte.

Ngayong April Fool’s Day, nagpaalala rin si Samonte na huwag nang subukang magbiro pa na may dalang bomba sa paliparan o sa mga pantalan.

Nagbabala rin ang opisyal sa mga nag-aalok ng travel insurance na mga scam.

Paliwanag ni Samonte, ito ay binabayaran kasabay ng ticket kapag bumili sa anumang shipping line at hindi ito binabayaran nang hiwalay.

“Kung mayroon mang naniningil sa inyo ng karagdagang bayad–usually P500–ito po ay scam. ‘Wag na po natin tangkilikin dahil kasama na po dapat sa inyo ticket ang travel insurance,” ayon kay Samonte.

Samantala, sa tala ng PPA sa mga pantalan mula Marso 22 hanggang 28, umabot ang bilang ng mga biyahero sa 1.5 milyon.

Ayon pa sa  PPA, makikita rin ang pagtaas ng bilang ng mga biyahero nitong gabi ng Linggo ng Pagkabuhay at kinabukasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleNumber coding muling iiral sa Metro Manila ngayong April 1
Next articleDangerous heat index nakaamba sa 4 lugar – PAGASA