Home METRO Bebot na nakakulong dahil sa droga, wanted din sa kasong karnaping

Bebot na nakakulong dahil sa droga, wanted din sa kasong karnaping

MANILA, Philippines – Inaresto ng pulisya ang isang bebot na wanted sa kaso ng karnapping habang nakakulong sa Navotas City Police Station matapos unang madakip sa drug operation sa naturang lungsod.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes na dakong alas-5:25 ng hapon nang isilbi ng mga tauhan ni P/Capt. Luis Rufo Jr., hepe ng Navotas Police Intelligence Section ang warrant of arrest laban kay alyas “Rose”, 27, ng Subic Zambales, sa loob ng Custodial Facility Unit ng Navotas CPS sa M. Naval St., Brgy. Sipac-Almacin.

Ang warrant of arrest kontra sa akusado ay inisyu ni Presiding Judge Rixon M Garong ng First Judicial Region, Branch 37, Lingayen, Pangasinan na may petsang October 3, 2024 para sa kasong Carnapping na may inirekomendang piyansa na P300,000.00.

Ang akusado na kabilang sa mga Most Wanted Person sa Lingayen, Pangsinan ay nakapiit sa Navotas City Police matapos maaresto ng mga operatiba ng Navotas Police SDEU sa buy bust operation sa Road 10, Brgy. NBBN ng lungsod dakong alas-6:16 ng umaga noong December 16, 2024, kasama ang isang Chinese national at nakuha sa kanila ang mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P15.1 milyon. Rene Manahan