Home NATIONWIDE Mga kasambahay sa Metro Manila, NorMin makatatanggap ng mas mataas na sahod...

Mga kasambahay sa Metro Manila, NorMin makatatanggap ng mas mataas na sahod – DOLE

MANILA, Philippines – Nakatakdang tumanggap ng mas mataas na sahod ang mga household workers sa Metro Manila at Northern Mindanao matapos aprubahan ng kani-kanilang regional wage boards ang taas sahod na magiging epektibo simula sa susunod na buwan.

Inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage order No.NCR-DW-05 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) National Capital Region ang P500 monthly increase para sa mga kasambahay sa buong rehiyon.

Ayon sa DOLE, magiging P7000 na ang monthly minimum wage ng nasabing sektor.

Pinagtibay din ng NWPC ang wage order na inilabas ng RTWPB Region X, na nag-apruba ng P1,000 na umento para sa mga kasambahay na nagdala sa kanilang buwanang minimum na sahod sa P6,000.

Ang P23 na umento para sa minimum na sahod sa non-agriculture sector, at P35 para sa agriculture sector na ilalabas sa dalawang tranches ay ipinagkaloob din ng RTWPB.

Sa full implementation, ang minimum wage rates sa Northern Mindanao ay tataas sa P446 hanggang P461.

Noong Mayo, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ilang regional wage boards ang magsisimula ng pag-aralan ang wage orders matapos ipag-utos na mulling suriin ang minimum wage rates sa bawat rehiyon.

Sinabi rin ni Laguesma na inaasahang ng DOLE na lahat ng RTWPBs sa buong bansa ay tatapusin ang kanilang pagsusuri bago matapos ang taon.

Samantala, sinabi ng DOLE na ipinagpaliban ng RTWPB V ang minimum wage determination process sa Bicol Region dahil sa epekto ng Tropical Cyclone Kristine na iniwan ang rehiyon sa state of calamity.

Ipagpapatuloy nito ang proseso sa Pebrero 2025.

Ang mga konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder ay nagpapatuloy sa RTWPB XI. Itinakda nito ang proseso ng pagtukoy sa minimum na sahod sa Enero 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden