Bulacan – Patuloy na nasa high alert ang pulisya sa Gitnang Luzon kabilang ang lalawigang ito upang mabantayan ang publiko sa masasamang loob at sa mga hindi inaasahang pangyayari sa kasagsagan ng pagsalubong ng bagong taon.
Ayon kay Police Regional Office PRO3 Regional Director PBGEN Redrico Maranan, laging makikita ang mga pulis na romoronda, at nagbabantay sa mga matataong lugar gaya ng simbahan, mga mall, tourist spots, shopping centers at iba pa sa pagsalubong sa bagong taon.
“Tayo ay naka- high alert (ang PNP) sa Central Luzon at alam naman natin kapag sinabi nating high alert dapat visible ang ating mga kapulisan lalong lalo na sa mga lugar kung saan pumupunta ang ating mga kababayan,” anang heneral
Samantala, nanawagan din si Maranan sa lahat ng gun owners na huwag gamitin ang mga baril sa pagsalubong ng bagong taon.
Aniya, lubhang delikado ang pagpaputok ng baril dahil kung gaano kabilis ang bala pataas ay ganoon din pagbaba na posibleng tumama sa mga bata at mga inosenteng sibilyan.
Nabatid din na maaring masibak ang mga PRO3 personnel na masasangkot at mapapatunayang nagpaputok ng baril sa nasabing okasyon.
Kaugnay nito, huhulihin at sasampahan din ng kaukulang kaso ng pulisya ang mga security guard, mga sibilyan at iba pang masasangkot at mapapatunayang nagpaputok ng baril. Dick Mirasol III