MANILA, Philippineds- Sabay-sabay na nakaaapekto ang apat na weather systems sa bansa na magdudulot ng maulang weekend.
Batay sa 4 a.m. bulletin ng PAGASA, inaasahan sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon ang “partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers” dahil sa localized thunderstorms.
Magdudulot naman ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ng maulap na kalangitan na sasabayan ng kalat na pag-ulan sa Visayas, Caraga, Davao Region, Zamboanga Peninsula, Bicol Region, at MIMAROPA.
Makararanas ang mainland Cagayan, Apayao, Isabela, Aurora, at Quezon ng maulap na kalangitan at pag-ulan dahil sa shear line.
Magdadala rin ang Northeast Monsoon o Amihan ng pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Maaapektuhan pa ng Amihan ang Ilocos Region at natitirang bahagi ng Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) na magdadala ng “partly cloudy to cloudy skies with isolated light rains.”
Iiral sa natitirang bahagi ng Mindanao ang “partly cloudy to cloudy skies with isolated rainshowers or thunderstorms.”
Maliban sa Ilocos Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley at CAR, ang mga residente sa mga lugar na apektado ng weather systems ay pinapayuhang manatiling alerto para sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa. RNT/SA