Home NATIONWIDE Veloso ipinasok na sa regular dormitory sa CIW

Veloso ipinasok na sa regular dormitory sa CIW

MANILA, Philippines- Nailipat na sa regular na dormitoryo sa Correctional Institution for Women si Mary Jane Veloso matapos nito makumpleto ang limang araw na mandatory quarantine period.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), kasama ni Veloso sa dormitoryo ang 30 iba pa na bagong pasok na persons deprived of liberty (PDLs).

Mananatili si Veloso sa naturang kulungan sa mga susunod na 55 araw dahil isasailalim siya sa mandatory orientation, diagnostics at classification procedures.

Sinabi ni CIW Acting Superintendent Marjorie Ann Sanidad, ang naturang living arrangement ay idinesenyo para mahikayat ang suporta ng bawat isa sa pagsisimula ng kanilang sabay-sabay na pagbabago.

Ipinaliwanag ni BuCor Director General Gregorio Catapang na ang initial phase na ito ang makatutulong sa mga bagong PDL na malaman ang mga rules and regulations ng pasilidad.

Iniutos na rin ni Catapang na maisalin sa tagalog ang Indonesian prison records ni Veloso para matukoy kung maaring maitala sa Philippine jurisdiction ang taon na isinilbi nito sa Indonesian prison.

Wala pa rin desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung bibigyan ng absolute clemency si Veloso dahil nakasalalay aniya ito sa magiging rekomendasyon ng legal experts. Teresa Tavares