MANILA, Philippines- Patay ang isang 5-anyos na bata, samantalang kritikal ang 6-anyos nitong pinsan matapos masagasaan ng isang taxi habang naglalaro sa kalsada nitong Biyernes ng hapon sa Caloocan City.
Hindi na nagawang mailigtas ng mga doktor sa pagamutan kung saan ito isinugod ang 5-anyos na biktima.
Naglalaro sa kalye ang dalawa ng Dahlia St. sa Tala, Caloocan nang dumating ang isang taxi.
Nabatid na habang mabagal na paparating ang taxi na liliko sa nasabing kalsada, nilapitan pa ng isang dalagita ang magpinsan na nakaupong naglalaro sa naturang kalsada upang tumayo.
Pagtalikod ng dalagita sa pag-aakalang sumunod na rin sa kanya ang mga biktima ay nagpatuloy naman ang taxi sa pagliko kung saan nasagasaan at pumailalim sa nasabing sasakyan ang mga ito.
Agad namang isinugod ng mga residente sa pagamutan ang magpinsan kung saan nasawi habang nilalapatan ng lunas ang 5-anyos na biktima. Rene Manahan