MANILA, Philippines- Tinatayang nasa higit P1.1 milyong halaga ng Methylenedioxymethamphetamine o mas kilala na “Ecstasy” na nakatago sa loob ng heating boiler ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Clark sa isinagawang inspeksyon.
Nabatid sa BOC na ang nasabing kontrabando ay nagmula sa bansang Germany at dumating sa bansa noong Disyembre 4, 2024 kung saan idineklara ang kargamento na naglalaman ng Central Heating Boiler.
Sa isinagawang X-ray scan, nakita ang mga hindi pangkaraniwang larawan kaya’t isinailalim ito sa K-9 sniff test at pisikal na pagsusuri na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 2.05 kilo ng Ecstasy na nakatago sa loob ng kargamento.
Isinagawa ang joint physical examination kasama ang mga kinatawan mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office III, PNP Aviation Security Unit General Aviation, PNP Drug Enforcement Group III, NBI Pampanga, at Barangay Officials ng Dau, Mabalacat City.
Kinumpirma ng field testing ng PDEA ang pagkakaroon ng Methylenedioxymethamphetamine, na inuri bilang isang mapanganib na gamot sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Dahil dito, isang Warrant of Seizure and Detention ang inisyu para sa shipment dahil sa mga paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraph f, i, at l (3 at 4) ng R.A. 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), na may kaugnayan sa R.A. No. 9165. JR Reyes