INANUNSYO ni Health Secretary Teodoro J. Herbosa nitong Lunes na hindi na kailangang magpresenta ng purchase booklet ang mga senior citizen upang makakuha ng diskwento sa mga gamot.
Ayon sa Department of Health (DOH) Administrative Order No. 2024-0017, inalis na ang requirement na magpakita ng purchase booklet sa mga botika para sa diskwento, na dati-rati ay kailangang may kasamang valid ID at reseta ng doktor.
“Ako rin po ay isang senior citizen. Alam ko kung gaano kahirap ang laging magdala ng purchase booklet. Kailangan ng mga senior ang diskwento sa kanilang mga gamot, kaya dapat natin itong gawing mas madali para sa kanila,” ani Herbosa sa isang pahayag.
“Sa ngalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., hatid po namin sa DOH ang regalong ito ng kaginhawaan at mas abot-kayang gamot para sa lahat ng ating senior citizens. Maligayang Pasko po!” dagdag pa niya.
Gayunman, nagbabala ang mga eksperto na maaaring magdulot ito ng pang-aabuso mula sa ilang konsyumer. Ayon kay Leonila Ocampo, miyembro ng Executive Committee ng International Pharmaceutical Federation: “Ang pag-aabuso, mahirap at hindi mo na ma-control. While sabihin natin hindi naman 100 percent nakaka-control ang booklet but somehow it would deter some potential abuse that would happen kasi nakikita ko kung anong binili mo sa anomang botika.”
Ang purchase booklet ay ginagamit upang subaybayan ang gamot na iniinom ng pasyente at tiyaking walang hindi pangkaraniwang pagbili ng gamot.
“Kung pupunta siya sa isang botika sa pharmacy, hindi ko nakikita kung anong binibili mo sa kabila? Mahirap na wala tayong kontrol on how much at ano na ang nabili ng ating mga kliyente. Dapat hindi siya tanggalin,” dagdag pa ni Ocampo.
Malaking kaginhawaang sa mga senior citizen ang ginawa ng DOH ang pag-alis sa requirement ng botika ng magpakita ng purchase booklet para makakuha ng diskwento, lalong-lalo na kapag naiwan sa bahay ang booklet at masama ang pakiramdam ng isang senior citizen, napipilitan bumili nang walang diskwento.