MANILA, Philippines- Pinayagan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pamilya ng bawat persons deprived of liberty (PDLs) na makasama ang kanilang mahal sa buhay ngayong holiday season.
Layon nito na pagyamanin ang pagkakaisa ng bawat pamilya at maiangat ang morale at kapakanan ng mga PDL.
Pinahintulutan ng BuCor ang stay-in privileges para sa mga misis at common-law wife ng mga PDL ngayong panahon ng Kapaskuhan habang ang regular visitation ay mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Sa memorandum ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ipatutupad ang stay-in privileges ng dalawang batch sa bawat holiday period upang matiyak na ang lahat ng pamilya ay mapagbibigyan habang pinananatili ang kaayusan sa mga correctional facility.
Sa pagdiriwang ng Bagong Taon, ang unang batch ay maaaring magstay-in mula alas-8 ng umaga ng December 31 hanggang alas-7 ng umaga ng January 1, 2025. Ang ikalawang batch naman ay mula alas-8 ng umaga ng January 1 hanggang alas-7 ng umaga ng January 2, 2025.
Binigyan-diin ni Catapang na mahalaga sa proseso ng pagbabagong-buhay ng mga PDL ang ugnayan sa kanilang pamilya. Teresa Tavares