NAMUMUTOK pala ngayon, hindi ang pitaka, kundi ng clutch bag dahil hindi na kasya ang datung sa kanilang wallet ng mga Barangay Chairman sa Lungsod ng Maynila dahil kabi-kabila ang patawag ng mga kandidato sa kanila para sa kanilang Pamasko.
Siyempre, maging ang kanilang mga kagawad, treasurer at kalihim ay naaambunan din kahit papaano pero siyempre, iba ang kay “Tserman” lalo na kung lagaring-hapon ang kanilang kostumbre, meaning, hataw sa kaliwa, hataw sa kanan.
Pero hindi lahat ng “Kabesa” ay humahataw ng kabi-kabila dahil mayroon pa ring ilan na pinaninindigan ang prinsipyo na kapag nakapangako na sa gusto nilang maupong opisyal ay hindi tumutugon sa patawag ng hindi naman niya susuportahan kaya pati ang kanilang mga kagawad at executive officers, damay dahil hindi niya pinapapunta sa patawag ng kandidatong hindi nila minamanok.
Hindi naman kasi kaila sa marami na galante ngayon ang mga politiko lalo na dito sa Maynila, dahil nagpaparami na ng suporta bago pa man sumapit ang panahon ng kampanya sa buwan ng Marso.
Kabilang sa mga maglalaban sa Maynila ang tambalan nina incumbent Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto ng Asenso Manileno, Yorme Isko Moreno at Chi Atienza, mag-amang Michael at Solomon Say, Sam Versoza, Mara Tamondong at tambalang Raymond Bagatsing at Chiqui Ocampo.
Siyempre, ang team to beat pa rin ay ang incumbent mayor at vice mayor habang ang matunog na matunog dahil sa nakuhang napakataas na survey ay ang tambalang Yorme Isko at Chi Atienza, humahabol si Sam Versoza at mayroon din namang mga taga-suporta ang mag-amang Say at tambalang Bagatsing-Ocampo.
Balik naman tayo sa mga kabesa ng barangay, abot-tenga pala ngiti nila sa panahon ng Kapaskuhan sa oras na tumugon sa patawag ng politiko habang dismayado naman ang kanilang mga opisyal lalo na kapag pinagbawalan silang pumunta sa hindi minamanok na politiko ng kanilang tserman.
Sabi tuloy ng mga dismayadong kagawad, kalihim at ingat-yaman, ang kanila raw namang tserman ang nakikinabang sa kanyang sinusuportahan gayong mas nais nilang iboto ang katunggali kaya bakit sila pipigilan? Eto nga ang nakatutuwang kuwento ng ating impormante dahil panay daw ang pigil ni Tserman sa kanyang mga kagawad na pumunta sa patawag ng isang kumakandidatong politiko pero hindi nila ito sinunod.
Aba, eh pagdating nila sa lugar, nauna pa pala sa kanila ang kanilang kabesa na patago-tago pa pero lulunukin din pala ang sariling laway dahil sa panghihinayang sa matatanggap na datung. Kaya dapat siguro, magmano na kayo at mamasko sa barangay tserman ninyo dahil paldo sila ngayon.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.