HABANG ipinursige ng mga nakalipas na administrasyon ang isang pambansang planong pangkalusugan, inabandona naman ito nang kasalukuyang gobyerno sa pangkalahatan — pinadapa ang isang sistema na tanging inaasahan ng milyon-milyong Pilipino upang maprotektahan ang sarili mula sa nakawiwindang na gastusing medikal.
Mayroon tayo ngayong pamahalaan na ayaw tumulong na maalalayan ang pamahal nang pamahal na gastusin sa pagpapagamot at pagpapaospital para sa karamihang mga Pilipino.
Madali na lang ipagpalagay na ang pinakamaaapektuhan sa nangyaring ito ay ang mga bata at ang matatanda — milyon-milyon sila na ang seguridad pangkalusugan ay buong-buong nakasalalay sa kapasidad ng kanilang pamilya at sa benepisyo mula sa gobyerno.
Ang masaklap ay nasa panahon tayo ngayon na umiiral na ang modernong milagro na hatid ng mga pinakabagong teknolohiya at pagbabago sa larangan ng medisina, at tanging mga pasyenteng may pribilehiyo at mayayaman lamang ang may kakayahang makatanggap ng ganitong gamutan upang maibalik ang dating kalagayan ng kanilang kalusugan.
Kadalasan, hindi ito makayanan ng karamihang mga Pilipino dahil na rin sa kakarampot na kita ng kanilang pamilya. Dito na dapat papasok ang mga programa ng PhilHealth.
Niratipikahan ng Bicameral Conference Committee ang panukala para walang ilaan na budget bilang subsidiya sa mga programa ng PhilHealth.
Hindi pa ba tayo dismayado sa palpak na serbisyo at kakarampot na benepisyong natatanggap natin tuwing nagkakasakit? Nakapanlulumong malaman na bagamat magtutuloy-tuloy pa rin ang pagbabayad ng kontribusyon ng bawat miyembro ng PhilHealth, wala namang pagbabago para mapalawak man lang ang saklaw ng benepisyong ipinagkakaloob ng ahensya.
Sinasabi ng Pangulo sa sambayanan na ang health insurance ng gobyerno ay mayroong reserbang pondong sobra-sobra pa sa tinatayang ₱150 bilyon na ginagastos nito bawat taon.
Pagkatapos isnabin ang liham niya sa Kongreso tungkol sa usapin, ipinaliwanag ng ekonomistang si Cielo Magno na kahit pa may ₱460 bilyon reserve funds ang PhilHealth, ang magiging mga bayarin nito sa hinaharap ang magpapabago sa kabuuang pagtataya.
Aniya, kapag kinompyut ang kabuuan ng insurance contract liabilities laban sa equity ng lahat ng miyembro, magnenegatibo na ang resulta. Ipinaliwanag din niya na bilang polisiya, obligado ang PhilHealth na magkaroon ng reserbang pondo — hindi maaaring galawin — na katumbas ng dalawang taong gastusin nito.
Para sa sinoman sa ating mga mas-pabida-kaysa-matalinong mambabatas na hindi ito napagtanto, ipapaalala lang natin na ilang taon lang ang nakalipas nang ang bansa — at ang buong mundo — ay sinalanta nang matinding pandemya!
Upang makabawi sa mga Pilipino mula sa garapalang ginawa na ito ng Kongreso, pinlano ni Speaker Martin Romualdez at ng kanyang mga alagad ang isang panukalang magsususpinde sa pagbabayad ng kontribusyon sa PhilHealth sa loob ng isang taon. Mas katawa-tawa naman ito — isang pambabalewala sa sitwasyong pinansyal ng pangunahing pinagkukunan ng bansa ng tulong medikal.
Sa totoo lang, may mali talaga sa pinuno ng gobyernong ito pagdating sa pangangalagang pangkalusugan, na para bang isa iyong opsyonal na line item sa halip na lifeline — isang lantarang pambabalewala sa Universal Health Care Law.
An’yare na sa pangakong titiyakin na ang bawat Pilipino, anoman ang kalagayan sa buhay, ay mabibigyan ng access sa sapat na pangangalagang pangkalusugan?
At mistulang dagdag-insulto pa, abala ngayon ang PhilHealth sa pinaplano nitong multi-milyon pisong selebrasyon, ayon kay Senator Bong Go. Ang panukalang budget na ₱137.7 milyon na gagastusin para sa ika-30 anibersaryo nito — kinatatampukan ng ₱7.9 milyon halaga ng pangregalo, ₱18.3 milyon para sa gala nights, at ₱32.7 milyon para sa sportsfest — ay maikokonsidera nang hayagang pambabastos.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).