INIYABANG ng Department of Agriculture na tumaas ang benta ng Kadiwa Stores dahil sa maraming mamamayan ang piniling bumili nang mas murang bigas na bahagi ng proyektong “Rice for All” Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa DA, matagumpay ang implementasyon ng Kadiwa sa programa ni Pangulong Marcos lalo na sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Maging ang Philippine National Police, giit pa ng DA, ay sumusuporta sa programa ni Pangulong Bongbong kaya naman ang mga pulis ay nagtutungo rin sa Kadiwa Stores upang doon bumili ng bigas kung saan mas mura ang presyo ng P3 hanggang P5.
Abot kaya nga ang presyo ng bigas na nasa P40 bawat kilo pero limitado lang sa 25 kilos ang maaaring bilhin ng isang tao.
Sabi pa ng DA, umaaray umano ang mga retailer ng bigas sa mga palengke dahil wala na umanong bumibili ng kanilang bigas kaya sa madaling salita ay humina ang kanilang kita.
Ang gandang press release, hindi ba?
Paanong humina ang kita ng rice retailers sa mga palengke gayong pinuputakte pa rin ng mga mamimili ang kanilang tindang bigas dahil mas magandang klase ang mga ito.
Isa pang press release ang sinasabing mayroong ilang local dealers at wholesalers na sa mga Kadiwa Center na bumibili ng bigas.
Ha? Totoo ba? Huwag ngang bolahin ng ahensya ang mga tsuwariwariwap ni PBBM dahil alam naman ng lahat na malaki dapat ang ibinaba ng presyo ng bigas mula sa ibang bansa dahil sa pagbaba ng halaga ng taripa mula 35 porsyento na naging 15 porsyento na lang.
Alangang bumaba na ang presyo ng taripa ay hindi pa ibababa ng konti ng importers ang presyo ng kanilang ibinebenta? Ows! Hindi naman kapanipaniwala ang mga deklarasyon ng DA.
Pero sana nga ay bumaba ang presyo ng bigas hindi lang sa Kadiwa Rolling Stores at centers subalit maging sa mga pamilihan upang lahat ang makinabang at hindi ang iilang karampot na bahagi ng lipunan.
Kapag nangyari ‘yan, aba’y masasabing matagumpay ang “Rice for All” program ng administrasyong Marcos. Kaya tama lang na umaksyon ang pamahalaan upang bumaba ang presyo hindi lang ng bigas subalit maging ng mga produktong ani at iba pang bilihin.
MANIGONG BAGONG TAON SA LAHAT. SALUBUNGIN NATIN NG 2025 NA MAY PAG-ASA.