Home METRO Bebot tigok sa nakarelasyong pulis; isa pa patay

Bebot tigok sa nakarelasyong pulis; isa pa patay

SURIGAO DEL SUR-HINDI inakala ng isang babae na ang ginagawa nitong pakikipaghiwalay sa pulis na karelasyon ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan at nadamay ang isa pa nitong kasamang babae matapos silang pagbabarilin ng huli, iniulat kaninang umaga sa lungsod ng Bislig.

Kinilala ang mga nasawi na sina Janeth Catarman Besa, 25-anyos, ng residente sa Brgy. San Vicente at Karyl Mae Abanggan, 21, anyos, nakatira sa Brgy. Tumanan, ng nasabing bayan.

Nadakip naman ng kanyang mga kabaro ang suspek at karelasyon ni Besa na kinilalang si Police Master Sergeant Kenneth Viola Cacho, taga Barangay Poblacion, Cateel Davao Oriental at kasapi ng Provincial Drug Enforcement Unit Davao Oriental Provincial Police Office.

Batay sa report ng Bislig City Police Office, bandang 11:20 PM noong Lunes ng maganap ang krimen sa isang bar na matatagpuan sa Purok 3, Bongaitan District, Mangagoy Bislig City.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nakipaghiwalay si Besa kay Cacho dahil sa mayroon umano itong asawa hanggang sa nagkrus ang kanilang landas sa nasabing lugar.

Habang kumakain ang mga biktima nilapitan sila ng suspek at kinausap ng huli si Besa na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril si Cacho at pinagbabaril ang dalawa.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Matapos ang krimen tinangkang tumakas ng suspek pero kalaunan ay nadakip din ito ng mga tauhan ng Bislig-PNP at Police Regional Office-13.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng 8 basyo ng 9mm pistol .

Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen at posibleng maharap sa patong-patong na kasong kriminal ang suspek./Mary Anne Sapico