Sumuko na ang Grab driiver na suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa isang gasolinahan sa Tondo,Maynila kamakalawa ng gabi dahil umano sa matinding selos o ‘third party’.
Kinilala ang suspek na si Ryan Jaztin Pablo y Legaspi alyas Balong na kinasuhan ng murder matapos mapatay sa saksak ang biktima na si Frankie Aguilar y Ranis, 39.
Ayon sa Manila Police District -Homicide Section, ang suspek ay boluntaryong sumuko sa Alaminos Municipal Police Station sa PRO 4-A.
Bago ang boluntaryong pagsuko, nakatanggap ng tawag at text messages ang suspek mula sa kanyang mga kamag-anak sa Tondo na siya ay hinahanting ng pulisya.
Dahil dito, humingi ng tulong ang suspek sa kanyang kaanak na si Kagawad Mexico Legaspi ng Brgy.1 Poblacion Alaminos Laguna para isuko Siya sa pinakamalapit na Police Station.
Nakipag-ugnayan naman ang Alaminos MPS sa MPD-Station 7 para maiturn-over sa kanilang kostudiya ang suspek.
Sa imbestigasyon, lumabas na matinding selos ang motibo sa pananaksak ng suspek sa biktima dahil sa umano’y pagkakaroon ng relasyon ng kanyang kinakasama sa nasawing biktima.
Sa ipinalabas na CCTV footage sa pinangyarihan ng krimen, dumating ang suspek sakay ng motorsiklo sa isang gasolinahan saka inundayan ang biktima .Nagkaroon pa ng habulan hanggang bumagsak sa kalsada ang biktima at muling pinagsasaksak ng ilang beses na nagresulta ng agaran niyang pagkamatay.
Matapos ang krimen ay iniwan ng suspek ang motorsiklo at sumakay sa kanyang kotse na nakaparada lamang sa gasolinahan saka tumakas. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)