CAGAYAN- PATAY ang isang kelot matapos matapos umanong pagtulungan pagsasaksakin ng mag-ama makaraan ang pagtatalo dahil sa larong pityas o pool, iniulat kaninang umaga sa bayan ng Pamplona.
Kinilala ang biktimang si Francis Mangibunong, 20-anyos, at residente ng Brgy Masi, Pamplona.
Nadakip naman ang mag-amang suspek na kinilalang sina Rexie Baluscang, 52-anyos at anak nitong si Richtofen Baluscang, 22, kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.
Ayon kay PMAJ Llewelyn Guzman, hepe ng PNP-Pamplona, bandang 11:00 PM noong Martes ng maganap ang krimen sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen naglalaro ng pool ang biktima at isang James Mangrubang at natalo ang isa sa mga ito na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Habang nasa gitna ng pagtatalo sumali ang suspek na si Richtofen at nag suntukan hanggang sa bumagsak sa semento si Mangrubang at tumama ang ulo nito.
Mabilis na tumakbo pauwi sa kanilang bahay ang batang suspek at nagsumbong sa kanyang ama at pagbalik ng mga ito may bitbit ng 15 pulgada kutsilyo at pinagsasaksak sa dibdib ang biktima.
Matapos ang krimen nagawa pang makahingi ng saklolo ang biktima at dinala ito sa ospital subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.
Isinugod din sa ospital si Mangrubang at nasa maayos na itong kalagayan matapos lapatan ng lunas ang tinamong sugat sa ulo.
Hindi naman nakayanan ng anak ng suspek ang ginawa nilang krimen at sumuko na rin ang mga ito sa pulis na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide./Mary Anne Sapico