MANILA, Philippines – Isang babae ang natagpuang wala nang buhay at nakagapos sa loob ng silid ng isang hotel sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Huwebes ng umaga, Oktubre 23.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD), tinatayang nasa edad 30 hanggang 35 taong gulang ang biktima, may taas na humigit-kumulang 5’0 feet, payat ang pangangatawan, at nakasuot ng itim na T-shirt at itim na shorts.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang katawan ng biktima na nakahiga sa kama at nakagapos sa loob ng Room 2A ng Ligaya Lodge sa Sta. Mesa Street, dakong alas-7:00 ng umaga.
Batay sa pahayag ng supervisor at roomboy ng naturang hotel sa pulisya, nag-check in umano ang biktima kasama ang dalawang indibidwal — isang babae at isang lalaki — noong Miyerkules ng gabi.
Kinabukasan, bandang alas-6:30 ng umaga, napansin ng mga empleyado na umalis ang dalawang kasama ng biktima.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, makikita ang isang babaeng naka-facemask at nakasalamin na may bitbit na helmet na lumalabas sa hotel at naglalakad patungo sa kanto ng Reposo at Peralta Street, Sta. Mesa, bago sumakay ng pampasaherong jeep patungong Mandaluyong. Samantala, lumabas naman sa ibang direksyon ang kasamang lalaki, ayon sa mga awtoridad.
Samantala sinabi naman ng barangay sa lugar na hindi umano nakikipag-ugnayan sa kanila ang management ng hotel dahil bukod umano sa kakulangan ng seguridad sa naturang hotel ay wala din umanong security ang naturang hotel upang masiguro ang kaligtasan ng mga kostumer nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng MPD Homicide Section upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga taong huling nakasama nito.
Sinusuri rin ng mga imbestigador ang posibleng pananagutan ng mga establisimyento, na nauna nang itinanggi na sa kanila nangyari ang krimen, kaugnay ng seguridad at mga patakaran sa pag-check in ng mga bisita, alinsunod sa umiiral na mga regulasyon ng lokal na pamahalaan. RNT