Home NATIONWIDE Beirut binulabog ng Israeli air strikes!

Beirut binulabog ng Israeli air strikes!

BEIRUT/JERUSALEM- Tumama ang panibagong air raids sa southern suburbs ng Beirut nitong Sabado sa pag-igting ng pag-atake ng Israel sa Hezbollah, matapos ang malawakang strike sa command center ng Iran-backed movement kung saan target umano ang pinunong si Hassan Nasrallah.

Batay sa ulat, narinig umano ng mga saksi ang mahigit 20 hiwalay na pagsabog nitong Sabado. Libo-libong Lebanese ang nagtungo sa mga square, park at gilid ng kalsada sa downtown Beirut at mga tabing-dagat.

Niyanig din ng malakas na pagbomba ang southern Beirut nitong Biyernes. Hindi agad nakumpirma ang sitwasyon ni Nasrallah, subalit ayon sa source na malapit sa Hezbollah, hindi umano ito maaabot, at hindi naglabas ng pahayag ang Lebanese armed group.

Hindi agad sinabi ng Israel kung target nito si Nasrallah, subalit inihayag ng senior Israeli official na target ang senior Hezbollah commanders sa pag-atake.

“I think it’s too early to say… Sometimes they hide the fact when we succeed,” sabi ng Israeli official nang tanungin kung napatay sa pag-atake nitong Biyernes si Nasrallah.

Nauna nang sinabi ng source na malapit sa Hezbollah na buhay si Nasrallah, at iniulat rin ng Tasnim news agency ng Iran na ligtas ito.

Kasunod ang pinakabagong pag-atake ng pahayag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa United Nations General Assembly nitong Biyernes na may karapatan ang bansa niyang ituloy ang kampanya.

“As long as Hezbollah chooses the path of war, Israel has no choice, and Israel has every right to remove this threat and return our citizens to their homes safely,” giit niya.

Sa inisyal na pag-atake noong Biyernes, sinabi ng Lebanese health authorities na anim ang kumpirmadong patay at 91 ang sugatan. RNT/SA