ILOILO CITY-DAHIL ayaw paawat sa kanilang iringan, hindi na nakapagtimpi pa ang isang barangay kagawad at kumuha ito ng boxing gloves saka pinag-boksing ang 15-anyos na kasapi ng LGBT community at kaaway nitong 14-anyos na dalagita, sa bayan ng Molo.
Pinatawag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si Barangay West Habog-Habog, Molo Kagawad Lenny Engada at ang dalawang menor de edad para ayusin ang nasabing gulo.
Sa pahayag ni Engada na siyang chairman ng peace and order sa kanilang lugar, dalawang buwan na ang away nina Kilay at Kiray, pawang mga hindi tunay na pangalan.
Umabot sa punto na lalong uminit ang iringan ng dalawa hanggan sa tinawag na siyang tiyahin ng dalagita para awatin ang mga ito.
Aniya, hinarap niya ang dalawa para tapusin na ang kanilang away subalit lalong uminit ang dalagitang si Kiray at sinabing lalalaban niya si Kilay.
Naubos ang pasensya ni Engada at pinagbigyan nito ang nais mangyari ng dalawa kaya kumuha ito ng dalawang boxing gloves at pinagboksing ang mga ito.
Wala naman nasugatan sa mga ito dahil agad din naawat ng kanilang mga kaanak.
Nabatid na parehong walang mga magulang ang dalawang menor de edad na ngayon ay sumailalim sa rehabilitation counseling para upang maiwasan ang karagdagang mga salungatan.
Aminado naman si Engada na mali ang kanyang ginawa at posibleng itong ipatawag ng mataas na opisyal ng lokal na pamahalaan at papanagutin./Mary Anne Sapico