Home METRO Ex-tserman tinadtad ng bala

Ex-tserman tinadtad ng bala

NEGROS OCCIDENTAL- PATAY ang isang dating barangay chairwoman matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang sugatan ang isang binata makaraan tamaan ng stray bullet kahapon ng umaga sa bayan ng Calatrava.

Kinilala ang biktimang si Amalia Dayanan, 64-anyos, residente at dating kapitan ng Barangay Macasilao, Calatrava.

Nilapatan naman ng lunas sa ospital ang 19-anyos na binata matapos tamaan ng bala ng baril sa balikat.

Batay sa report ng Calatrava Municipal Police Station, bandang 8:00 AM Marso 18, 2025, naganap ang krimen sa loob ng pampasaherong jeep sa Barangay Patun-an, ng nasabing bayan.

Ayon kay Police Lt. Col. Wilfredo Benoman Jr., hepe ng Calatrava MPS, sakay ng pampasaherong jeep ang biktima patungong San Carlos City, Negros Occidental.

Bigla na lamang sumulpot ang dalawang armadong kalalakihan at pinagbabaril ang biktima sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Natamaan naman ang isang binata ng katabi ni Dayanan na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon habang nakapulot ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng 2 basyo mula sa 9mm na baril.

Sinabi ni Benoman na naging Barangay chairwoman si Dayanan mula 2007 hanggang 2010.

Inaalam na ng mga otoridad kung may kinalaman sa away-lupa ang motibo sa krimen dahil mayroon ilang lupang pag-aari ang biktima kabilang isang plantasyon ng tubo./Mary Anne Sapico