MANILA, Philippines – TIMBOG ang tatlong Chinese national, kasama ang isang dating sundalo sa China sa operasyon ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na nag-ugat mula money-making racket sa gitna ng agresibong operasyon laban sa natitirang operation ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Ayon kay CIDG-National Capital Region Director Col. Marlon Quimno, target ng entrapment operation si alyas Changao na naunang inakusahan ng pagkuha ng P5 million mula sa kapwa Chinese kapalit ng pagpapalaya sa isang banyagang naaresto dalawang buwan ang nakalilipas sa anti-POGO operation.
Nadamay naman sina Yong Pin Pang at Ming Wei Xiong dahil sa tangkang pagsagip kay He sa operasyon dakong 11 gabi noong Lunes sa Chengdu Bistro, Hobbies of Asia sa Pasay City.
Hiningian umano ng identification si Ming Wei Xiong, na nagpakita ng litrato sa kanyang cellular phone, na napansin ng mga operatiba ang ilang litrato na nakasuot siya ng military uniform.
Inamin umano ni Ming Wei Xiong na dati siyang miyembro ng People’s Liberation Army of China.
Agad umanong nagkasa ng entrapment ang CIDG makaraan
hingan ng dagdag na P2.5 million bayad para sa pagpapalabas sa kaibigan na nauna nang hiningian ng P5 million ni He na tiniyak pang aayusin ng kanyang kontak sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagpapalaya sa kaibigan.
Sa coordination ng PAOCC, lumitaw na ginagamit ng suspek ang tanggapan upang kumamal ng malaking halaga ng pera sa mga kapwa Chinese.
Nahaharap ngayon sa mga kasong kriminal ang mga arestadong suspek. Dave Baluyot