NUEVA VIZCAYA- HINDI pinalampas ng mga kawatan ang isang simbahan matapos pasukin at looban saka sinira ang tabernakulo, noong Lunes sa bayan ng Sta. Fe., sa lalawigan ito.
Sa Facebook post ng Diocese of Bayombong, nadiskubre ng tauhan ng Our Mother of Perpetual Help Parish, Sta. Fe, Nueva Vizcaya na sinira ang kandado at pinasok ang kapilya ng Divine Mercy.
Dito, bumulaga sa kanilang harapan ang nagkalat na mga kagamitan sa loob ng opisina ng kapilya, sinisira ang tabernakulo at ang Banal na Sakramento.
“Ang diyosesis ay lubhang nalulungkot at kinokondena ang nangyari dahil ito ay paglapastangan sa ating Panginoong Hesus. Tayo pong mga Katoliko ay naniniwala na ang Banal na Sakramento ay hindi lamang po simpleng tinapay kundi totoong katawan ni Kristo na ating Panginoon. Kaya naman ang nangyari ay matinding dagok para sa atin bilang mananampalatayang Katoliko.
Bilang tugon ng diyosesis at ng Parokya ng Our Mother of Perpetual Help sa nangyaring paglapastangan sa kapilya at sa katawan ni Kristo, ang mga mananampalataya ng Parokya ay magkakaroon ng mga reparations o bayad-pinsala. Sila ay ipinag-uutos ng ating mahal na Obispo na isara ang kapilya, huwag mag-alay doon ng Misa, magkaroon ng public penance sa pamamagitan ng Via Crucis ng tatlong beses o mahigit, magkaroon ng kumpisal sa labas ng kapilya, at mag-alay ng Misa na may pagbabasbas ng bagong tabernakulo.
Ang Parokya ay nakipag-ugnayan na sa mga kapulisan at inaalam pa ang mga mahahalagang detalye sa mga nangyari. Kung mayroon man sa inyo ang may nalalaman tungkol sa pangyayaring ito na makakatulong sa imbestigasyon, makipag-ugnayan lamang kayo kay Padre Virgilio Mendoza, OFM, ang kura paroko ng Our Mother of Perpetual Help Parish.”
Sa ngayon nakipag-ugnayan na ang diocese sa pulisya para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at agaran pagdakip./Mary Anne Sapico