ELECTRICITY ang isa sa nagpapatakbo ng ating modernong buhay. Bilang source ng enerhiya, napakalaki ng nagagawa nito sa pagpapailaw ng ating tahanan, e-vehicle at cellphone charging, hanggang sa malalaking planta at pabrika. Nangyayari ang pagkakaroon ng electricity at transformation nito dahil sa tinatawag na “Law of Conservation of Energy.”
Sa usapang physics, ang electricity ay galaw ng maliliit na particles na tinatawag na electrons. Kapag ang electrons ay dumadaloy sa isang conductor gaya ng copper wire, nagkakaroon ng tinatawag na electrical current. Ang boltahe (voltage) ang nagtutulak sa daloy na ito, habang ang resistance ang pumipigil o kumokontrol dito.
Kung may benepisyo ang electricity, mayroon din itong seryosong hazards. Hindi nakikita ang kuryente, wala itong amoy, at madalas tahimik—kaya mas delikado. Ang tinatawag na electric shock ay nangyayari kapag ang katawan ng tao ay naging bahagi ng daluyan ng kuryente. Ang mababang boltahe ay maaaring magdulot ng muscle contraction, paso (electrical burn), o cardiac arrest kapag tumama sa puso. Halimbawa nito ang 50 milliampere na exposure kung saan maaaring magdulot ng muscle spasm, hirap na paghinga at mataas na posibilidad ng ventricular fibrillation o irregular na tibok ng puso. Mas mataas ang risk kapag basa ang kamay o paa dahil mas mababa ang resistance nito. Ayon kasi sa Ohm’s Law, kapag mas mababa ang resistance, mas mataas ang current na dadaloy sa katawan—kahit pareho lang ang boltahe.
Mayroon ding arc flash at short circuit na maaaring magdulot ng sunog at pagsabog, lalo na kung overloaded ang linya o may sirang insulation. Base sa ilang fire incident investigation report ng fire authorities, lumalabas na karaniwang sanhi ng sunog ang faulty wiring, paggamit ng substandard extension cords, at pagsasaksak ng maraming appliances sa iisang outlet.
Ang panlaban natin dear readers ay basic electrical safety. Huwag mag-overload ng saksakan, tiyaking maayos ang grounding, gumamit ng tamang circuit breaker, at ipagawa sa lisensyadong electrician ang anomang major repair. Gawin din ito sa trabaho at paigtingin ang pagpananatili ng good housekeeping, lockout-tagout procedure at suplay at tamang paggamit ng personal protective equipment.
Mahalaga ding isaalang-alang ang emergency planning para sa kaligtasan ng buhay at maibsan ang impact kung sakali mang may makuryente o magkasunog.
HAPPY VALENTINE’S DAY!!!






