Home NATIONWIDE Benepisyo para sa mga batang may developmental disability palalawakin ng PhilHealth

Benepisyo para sa mga batang may developmental disability palalawakin ng PhilHealth

1
0

MANILA, Philippines — Palalawakin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) pagsapit ng ikaapat na quarter ng 2026 ang benefit package nito para sa mga batang may developmental disabilities, kasunod ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address.

Sinabi ni Marcos na dodoblehin ang benepisyo ng PhilHealth para sa konsultasyon at therapy, habang itataas mula 90 sa 150 ang bilang ng therapy sessions na sasagutin nito.

Ayon kay PhilHealth President and CEO Edwin Mercado, itataas din mula P3,700 sa P8,000 ang coverage para sa paunang developmental assessment ng isang pasyente.

Sasaklawin ng pinalawak na pakete ang Autism Spectrum Disorder (ASD), Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), Cerebral Palsy at Global Developmental Delay.

Tinataya ng PhilHealth na nasa 1.6 milyong Pilipino na edad 19 pababa ang may developmental disabilities.

Sinabi ni Lee Javate-Gatlabay, na may anak na nasa autism spectrum, na maaaring lumampas sa P10,000 kada buwan ang gastos ng isang pamilya sa therapy, depende sa inirerekomendang gamutan.

“Depende sa kung ano yung binibigay ni doctor na kailangan niya. Kung kailangan niya ng occupational therapy, speech therapy, or behavioral therapy yun,” aniya, at idinagdag na maaaring mangailangan ng therapy ang isang bata nang hanggang apat na beses kada linggo.

Bagama’t ikinatuwa niya ang planong pagpapalawak ng coverage, sinabi ni Javate-Gatlabay na kailangan pa rin ng tuloy-tuloy na suporta ng mga pamilya dahil nangangailangan ng pangmatagalang intervention ang developmental disabilities.

“Hindi naman siya natatapos ng araw ng one session lang, two session.”

Inamin din ng PhilHealth na kakaunti ang developmental pediatricians sa bansa na kuwalipikadong mag-diagnose ng mga batang may developmental disabilities.

Sinabi ni Mercado na pinag-aaralan ng ahensya kung maaaring sertipikahang magsagawa ng paunang assessment ang occupational therapists, child psychologists at general pediatricians.

Pinalalawak din ng PhilHealth ang bilang ng mga accredited healthcare facility na nagbibigay ng developmental services at tinitiyak na “making sure that every region is covered.”

Nakikipagkonsultasyon din ang ahensya sa mga medical society at healthcare provider habang pinag-aaralan ang actuarial requirements para sa pagpapatupad ng pinalawak na benepisyo sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here