CEBU CITY — Sinira ng mga awtoridad ang 99.45 kilo ng mga mapanganib na droga na nagkakahalaga ng P676.6 milyon na nasamsam sa mga operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pang law enforcement agencies.
Ito ang pinakamalaking naipong bulto ng ilegal na droga na winasak ng PDEA mula noong 2017.
Isinailalim sa thermal destruction ang mga droga sa isang punerarya matapos payagan ng mga korte na humahawak sa mga kaso ang pagsira sa mga ito. Aktibo pa rin ang ilan sa mga kasong may kaugnayan sa mga nasamsam na droga.
Sinabi ni PDEA Director General Isagani Nerez na layunin ng pagsira na matiyak na hindi na maibabalik o maipakalat muli sa mga lansangan ang mga ilegal na droga.
“This significant activity is a clear message that these illegal substances will never find their way back into our streets,” ani Nerez.
Nasaksihan ang aktibidad ng mga kinatawan mula sa mga barangay, pamahalaang lungsod ng Cebu, Philippine National Police, Department of Justice at Judiciary.
Sinabi ni Cebu City Councilor Paul Labra, na kumatawan kay Mayor Nestor Archival, na ang bawat gramo ng drogang nasisira ay maaaring mangahulugan ng mga buhay at pamilyang nailalayo sa masamang epekto ng droga.
“To some, these quantities may seem just like numbers but every gram of the illegal drug that is seized and destroyed represents lives that may be saved and families that may be spared from the devastating effects of drug abuse,” sabi ni Labra, chairperson ng City Council committee on peace and order.
Samantala, apat na pribadong indibidwal na tumulong sa pag-aresto sa mga drug suspect ang tumanggap ng gantimpala sa ilalim ng “Private Eye” initiative ng PDEA. Naglaan ang ahensya ng P700,000 para sa programa.
“Your vigilance has helped save lives and make our communities safer,” ani Nerez. Dave Baluyot