MANILA, Philippines – Sinimulan na noong Agosto 13, 2025 ang pagbebenta ng halagang P20 kada kilo ng bigas para sa mga rehistradong magsasaka sa ilalim ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” na inilunsad ng National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA).
Ang mga benepisyaryo ay kailangang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas bawat buwan. Ang programa ay unang ipinatupad sa mga piling lugar sa Region II at Region III, kabilang ang Nueva Ecija.
Ayon sa NFA, maaaring bumili ang mga magsasaka sa pamamagitan ng KADIWA at FTI booths na matatagpuan sa mga bodega ng NFA. May opsyon din silang bumili ng 50-kilong sako ng bigas para sa pangmatagalang pangangailangan.
Pahayag ng DA, hindi lang mga mamimili ang makikinabang sa murang bigas — sinisiguro rin ng programa na makakabili ang gobyerno ng mas maraming palay mula sa ating mga magsasaka.
Sa ilalim ng mekanismo ng programa, tuwing may bentang bigas, bibili naman ang NFA ng dalawang bag ng palay mula sa lokal na magsasaka. Layunin nitong mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bigas habang tinutulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng mas maayos na kita.
Sa buong bansa, tinatayang aabot sa 2.9 milyong magsasaka ang kwalipikadong makinabang sa programang ito.
Layunin ng programa na suportahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng direktang pagbili ng kanilang ani; makatulong sa mamamayang Pilipino na makabili ng murang bigas; at siguruhing may sapat na suplay ng bigas sa mga komunidad. – Elsa Navallo